122 kabataan nagtapos ng DOLE-JobStart life skills training

Date Posted: February 10th, 2017 01:32 PM

May 122 kabataan mula sa Davao ang nagtapos sa 10-day Life Skills Training (LST) ng DOLE JobStart Philippines Program. Ito ang una sa tatlong bahagi ng full-cycle employment facilitation services para sa mga ‘at risk youth’, o mga kabataang manggagawa na mababa ang tsansa na makapasok ng trabaho, at iyong umaabot ng dalawa o apat na taon bago makahanap ng kanilang unang regular na trabaho.

 

Sinabi ni DOLE Regional Office No. 11 Director Joffrey Suyao na ang mga nagtapos ng LST ay maaari nang makamit ang mga kasanayan nakuha nila mula sa JobStart na siyang karaniwang hinahanap ng mga employer sa isang empleyado.

 

“Kami ay umaasa at nagdarasal na kasama ninyo kami sa inyong paglalakbay.  Kami ay naniniwala na sa inyong nakuhang life skills, technical, at on-the-job training, inyong makakamit ang trabahong inyong pinapangarap,” ani Suyao.

 

Ang LST ang mahalagang bahagi ng JobStart Philippines Program. Ito ay ibinibigay sa mga kabataang-benepisaryo na nagtapos ng career guidance and employment coaching (CGEC) session. Sa bahaging ito, mas higit na makikilala ng mga sumailalim sa pagsasanay ang kanilang sarili, impormasyon sa mundo sa paggawa, paghahanap ng trabaho, kaalaman sa pananalapi, kalusugan, pansariling-kagalingan, at networking.

 

Matapos kumpletuhin ang LST, sasailalim naman sila sa JobStart technical training sa loob ng tatlong buwan. Maaaring hindi na sumailalim ang isang JobStart trainee sa technical training at kaagad na itong sumailalim sa internship stage.

 

Ang JobStart internship ay hindi dapat humigit sa tatlong buwan o 600 oras. Hindi na kinakailangang sumailalim sa probationary period ang isang JobStart trainee sa pagtatapos ng kanyang internship kung siya ay kukunin ng parehong establisyamento kapag natapos na niya ang programa.

 

Tatanggap ang JobStart trainee ng arawang training allowance mula sa umpisa ng life skills training stage hanggang sa pagtatapos ng technical training stage.

 

Bahagi ang 122 na nagtapos mula sa LST sa 248 na nag-apply sa pangalawang pagkakataon na ipinatupad ang JobStart sa Davao City. Sa kwalipikadong aplikante, anim ang natanggap na sa trabaho matapos silang interbyuhin.

 

Sa tagumpay ng programa, sinabi ni Director Suyao na mas maraming lugar pa sa rehiyon ang nilalayong sumailalim sa JobStart ngayong 2017.

 

Samantala, may 109 JobStarters na sa Tagum City ang nagtapos ng LST noong Enero 23, 2017.

 

END/Tim Laderas/Kriztja Marae G. Labrador/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo