Painting contest inilunsad ng DOLE laban sa child labor

Date Posted: January 25th, 2017 10:22 AM

Isang Mural Painting Contest ang inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Mambajao, Camiguin, upang linangin ang kamalayan ng publiko kaugnay ng child labor at upang mahikayat silang makiisa sa paglaban at pagpuksa sa iba pang masamang uri nito.

Sumentro ang aktibidad sa pagpapakita ng iba’t ibang kalahok ng kanilang mga mural paintings na sumasalamin sa mga child labor-free na komunidad. Kasunod ito ng temang “Bountiful Lanzones Harvests from a Child Labor-Free Camiguin.”

“Alam natin na ang mga kabataan ang kadalasang dumaranas ng pang-aabuso. Ang iba pa sa kanila ay itinatago, o nakakubli at nagtatrabaho sa malalayong lugar na hindi makikita ng publiko at malayo rin sa kani-kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, lahat ay magkakaroon na ng ideya at mapagtitibay ang kanilang paninindigan laban rito,” ayon kay DOLE-X OIC Assistant Regional Director Lucila S. Pulvera.

Sinabi rin niya na ang patimpalak ay naglalayong mabigyang kaalaman ang bagong henerasyon sa kanilang tungkulin sa pagkakaroon ng adbokasiya sa pansariling karapatan sa pamamagitan ng pagpipinta at sining. Ninanais rin ni Pulvera na hikayatin ang publiko na ipakita ang kanilang suporta at pakikiisa sa mga inisyatibo ng pamahalaan upang labanan ang child labor.

Naiuwi naman ng Sixto A. Abao National High School ang first place at nakatanggap sila ng P5,000 habang ang Mambajao National High School naman ay nagkamit ng P4,000 bilang second placer at sinundan ng Fatima College of Camiguin sa ikatlong puwesto na may P3,000 cash prize.

Noong 2012, ang Camiguin sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement sa DOLE-X ay idineklara bilang “Child Labor-Free Province”, na siyang nag-iisang bayan sa Northern Mindanao na mayroong natatanging deklarasyon ng kanilang gobernador na si Jurdin Jesus M. Romualdo.

END/Glenford C. Labial/DOLE-X/Abegail De Vega/Paul Ang

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo