P3.8-M livelihood assistance, kaloob ni Bello sa 320 Zambaleños

Date Posted: January 12th, 2017 04:02 PM

Pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang pagkakaloob ng P3,800,000.00 livelihood assistance sa 320 kapus palad na Zambaleños sa Rizal Triangle, Olongapo City.

 

Ang ipinagkaloob na tulong pangkabuhayan ay sa pamamagitan ng proyektong Negosyo sa Kariton (NegoKart) at DOLE Kabuhayan Starter Kits sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP).

 

Kasama ni Bello sa pagkakaloob ng 50 NegoKarts na nagkakahalaga ng P750,000.00 ay sina Rep. Jeffrey Khonghun at Olongapo City Mayor Raulen Paulino.

 

Mula naman sa proyektong NegoKart ang tinanggap ng 50 manininda, 25 sa kanila ay mula sa Subic at ang natitirang 25 ay mula naman sa lungsod ng Olongapo. Maari nang magsimula ng maliit na roving-cart-business ang mga benepisyaryo at makapagtinda tulad ng fishballs, squidballs, kikiam, “kakanin,” at iba pang pagkaing pang-merienda.

 

Ayon kay DOLE Regional Director Atty. Ana Dione, ang mga benepisyaryo ng NegoKarts ay nagsanay muna sa Entrepreneurship Development Training (EDT) ng kagawaran upang matiyak na mapamamahalaan nila ng maayos ang kanilang munting negosyo.

 

“Bawat isang benepisyaryo ay napagkalooban ng kabuuang P15,000.00 na tulong pangkabuhayan. Kinapapalooban ito ng vending cart, mga kagamitan sa pagtitinda na nagkakahalaga ng P12,500.00 at may kasama pang capital na P2,500.00,” paliwanag ni Dione.

 

Nagkaloob rin si Bello ng P2,000,000.00 livelihood check para ilaan sa 100 NegoKarts at maibigay sa 100 benepisyaryo. Sa nasabing halaga, ang P1,500,000.00 ay nagmula sa Munisipalidad ng Subic sa kanilang Bottom-up Budgeting (BUB).

 

Habang ang natitirang P500,000.00 naman ay nagmula sa regular na pondo ng DOLE para sa tulong pangkabuhayan na ipagkakaloob naman sa pamamagitan ng 100 starter kits para sa 100 mahihirap na benepisyaryo. Ang starter kit ay mga kagamitan para makapagsimula sa maliit na negosyo ang mga benepisyaryo tulad ng pagbebenta ng tsinelas, manicure, pedicure, foot-spa, hair cutting, massage therapy, at iba pang negosyo sa health and wellness.

 

Sa kabilang dako, nagbigay rin si Bello ng tseke na may halagang P1,050,000.00 sa tulong ng BUB ng lokal na pamahalaan ng Olongapo na layon namang makapaglaan ng 70 NegoKarts para sa mga benepisyaryong residente ng lungsod.

 

Hinamon naman ni Bello ang mga benepisyaryo na pangalagaan at pagyamanin pa ang naipagkaloob na tulong pangkabuhayan upang maiangat ang estado ng kanilang pamumuhay.

 

“Ang tulong pangkabuhayan na ibinahagi po sa inyo ng DOLE, tulad nitong mga NegoKarts at Starter Kits, ay isang tuloy-tuloy na hakbang ng gobyerno sa pagbibigay ng alternatibong pagkakakitaan at pangkabuhayan para sa ating mga kababayan upang maitaas nila ang antas ng kanilang pamumuhay at higit sa lahat ay makatulong sa kanilang mga pamilya. Pahalagaan ninyo ito at pagyamanin,” wika pa ng kalihim.

 

Pinasalamatan naman ni Mayor Paulino si Bello at ang buong kagawaran ng DOLE dahil sa mga inisyatibo nito at sa personal na pamamahagi ng nasabing tulong pangkabuhayan sa mga mamamayan ng munisipalidad.

 

“First time po na mismo ang ating butihing Kalihim ng Kagawaran ng Paggawa at Paghahanapbuhay pa ang bumaba para ipagkaloob ang mga NegoKarts at Starter Kits na ito sa mga kababayan namin dito sa Olongapo at Subic, kaya maraming maraming salamat po Secretary Bello sa inyong oras sa pagbibigay pansin sa aming mga kababayan,” ayon pa kay Paulino.

 

Samantala, sinabi naman ni Luzviminda Gimeo, isa sa benepisyaryo ng programa, na ang tulong pangkabuhayan ay isang magandang regalong natanggap nila ngayong pagpasok ng bagong taon.

 

“Napakalaking tulong po sa amin ang ganitong klaseng proyekto dahil ito po ay makakapagbigay na sa amin ng garantisadong arawang kita mula P200.00 hanggang P500.00 o higit pa, depende po kung may mahalagang okasyon dito sa aming bayan, kaya maraming maraming salamat po sa DOLE at umasa po kayo na ito po ay aming pagyayamanin,” sinabi ni Gimeo.

 

Ilan lamang sa flagship program ng DOLE ang proyektong NegoKart at Kabuhayan Starter Kits na naglalayong makapagbigay ng desente at tuloy tuloy na ayuda na makatutulong sa pag-angat ng pamumuhay ng mga mahihirap na manggagawa.

 

END/paulang/Jerry Borja/Albert Aquino/Arvin Fabian

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo