P300-M sobra sa verification fee, ibinalik ng DOLE sa National Treasury

Date Posted: January 12th, 2017 04:05 PM

Ibinalik ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang sobrang verification fee na umabot ng P331.686 million sa Bureau of Treasury (BTr).

 

Sinabi ni Director Warren Miclat ng DOLE-Financial Management Service na ang halagang ibinalik sa national treasury ay ang sobrang verification fee at interest na kinolekta ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) para sa taong 2015.

 

Pinapangasiwaan ng POLO ang pangongolekta ng verification fee bilang service fee sa pagbeberipika ng mga overseas employment contract na ipinapakita ng mga prospective employer, principal o employment agency ng host country at/o ng kanilang authorized representative bago ito matatakan ng awtorisadong opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa embahada.

 

Kasama sa mga dokumento na bineberipika ng POLO, na nagkakahalaga ng US$10 o ang katumbas nito sa lokal na pera, para sa indibidwal ay ang contract of employment/Master/Model o Pro-Forma contract, proof of visa availability, Job order/Manpower Request, at Special Power of Attorney o iba pang kaparehong dokumento.

 

Samantala, ang iba pang dokumento, tulad ng Group Service Contract of Employment, Recruitment Agreement/Manning Agreement, at iba pang kaparehong kontrata/kasunduan ay nagkakahalaga ng US $ 30 o ang katumbas sa lokal na pera.

 

Sinabi ni Director Miclat na kailangang isoli ng POLO ang sobrang verification fund batay sa Joint Circular No. 3 series of 1999.

 

Ang Joint Circular ay nilagdaan ng DOLE, DFA, Department of Budget Management (DBM), Department of Finance (DoF) at ng Commission on Audit (COA).
 

Noong 2015, nagsauli ang DOLE sa BTr ng P360.41 milyon sa sobrang verification fee na nakolekta noong 2014.

 

Ang Excess Verification Fee Collections, batay sa itinakda ng Joint Circular No.3, series of 1999, ay ang sobrang koleksiyon ng verification fee na kinolekta ng POLO na dapat ibalik sa BTr matapos tanggalin ang mga nararapat na ibawas mula sa Verification Fee Fund at iba pang obligasyon na hindi hihigit sa Advice of Disbursement Limits (ADL) na itinakda ng DOLE Central Office sa nasabing taon, kasama ang allowable buffer fund na katumbas ng first quarter requirement ng POLO para sa susunod na taon.

 

Sa kabilang banda, ang Advice of Disbursement Limits ay isang dokumento na iniisyu ng DOLE-Central Office sa Office of the Labor Attaché para sa kabuuang halaga na maaari nitong gamiting pambayad.

 

END/FMS/TDL/GMEArce

 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo